Walang pakundangang mga pagpatay hindi dapat maging normal – VP Robredo
Mariing kinondena ni Vice President Leni Robredo ang pagpatay kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe sa Daraga, Albay.
Sa isang pahayag, sinabi ng bise presidente na ang mga kahalintulad na tahasan at wala nang pakundangang mga pagpatay ay hindi dapat maging bagong normal na lamang sa lipunan.
Dapat na anyang mahinto ang mga patayang ito na kung saan ang mga Filipino ay hindi na ramdam na sila ay ‘safe’ o ligtas.
Ayon sa bise presidente, si Batocabe ay kanyang kapwa-Bicolano, batchmate sa UP Diliman at isang kasamahan sa 16th Congress.
Matalino at masayahin anya ito at hindi matatawaran ang kanyang serbisyo at pakikipagkaibigan.
Ipinaabot ni Robredo ang pakikiramay sa pamilya ni Batocabe at ipinanawagan ang mabilis na hustisya para sa pagkamatay nito.
Nakatakda lamang sanang dumalo sa isang gift-giving event para sa senior citizens at persons with disability ang mambabatas nang pagbabarilin ito kasama ang kanyang police escort.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.