Umani ng batikos mula sa kanyang mga kasamahan sa kongreso ang pagpatay kaninang hapon kay Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe.
Sinabi ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo na malaking kawalan sa kanyang mga kababayan si Batocabe na isang maaasahang opisyal ng pamahalaan.
“I condemn in the strongest possible terms the killing of an ally and friend, AKO Bicol Rep. Rodel Batocabe,” ayon sa pahayag ni Arroyo.
Nanawagan rin siya ng mabilis malawakang imbestigasyon sa naganap na pananambang.
Dagdag pa ng house speaker, “Nothing can justify his murder and that of his police aide. I call on our law enforcement agencies to conduct a speedy and thorough investigation to bring all those behind this dastardly act to justice. I offer my deepest condolences to his family and constituents whom he had served with much commitment and compassion.”
Si Batocabe ay pinagbabaril ng ilang mga kalalakihan sa covered court ng Brgy. Burgos sa bayan ng Daraga, Albay kaninang alas-tres ng hapon.
Patay rin sa nasabing pamamaril ang kanyang police escort na si SPO1 Orlando Diaz samantalang marami rin ang tinamaan ng ligaw na bala.
Makaraan ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga armadong kalalakihan na pawang mga nakasakay sa motorsiklo.
Si Batocabe ay kasalukuyang kandidato sa pagka-alkalde sa bayan ng Daraga, Albay ayon pa sa mga ulat.
Isang team na ang binubo ng Albay Provincial Police Office para tugisin ang mga nasa likod ng pananambang.