8 sugatan sa 2 magkahiwalay na pagsabog sa North Cotabato

north cotabatoWalong katao kabilang ang dalawang mga sundalo ang nasugatan sa dalawang magkahiwalay na pagpapasabog sa Kabacan, North Cotabato na naganap Sabado ng gabi.

Ang unang pag-atake gamit ang granada ay nangyari ganap na 6:30 ng gabi malapit sa palengke ng Kabacan na ikinasugat ng limang katao kabilang na ang dalawang menor de edad.

Nakilala ang mga ito na sina Johainna Pops Alon, Berlie Baluyot, Rosalie Parenas, John Clark Opena, at Gerardo Moya.

Ayon sa tagapagsalita ng North Cotabato police na si Supt. Bernard Tayong, dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo ang nag-bato ng hand grenade sa kanto ng Rizal Avenue at Malvar Street.

Paglipas ng isang oras, may dalawang lalaki rin na naka-motorsiklo ang naghagis ng granada sa dalawang nakaparadang sasakyan habang dumadaan ang mga sundalong nagpapatrolya.

Naganap naman ito sa kanto ng Sinsuat Avenue at Rosales Street ganap na 7:30 ng gabi.

Nakilala ang mga sugatan sa pangalawang pagsabog bilang sina Pfc. Romer Agustin at Pfc. Noel Ganab ng Army Special Forces Battalion, pati na ang isang estudyanteng si Mohaimen Biron.

Read more...