Umapela sa publiko ang Department of Environment and Natural Resources na maghanap na muna ng ibang destinasyon dahil puno na ng mga lokal at dayuhang turistang ang isla ng Boracay.
Ipinaliwanag ni DENR Usec. Jonas Leones na lampas na sa takdang bilang ng mga turista ang ngayon ay nasa isla.
Mula sa 6,000 ideal capacity ay umanot na sa higit sa 8,000 ang average na dami ng tao sa isla ng Boracay sa mga nakalipas na araw base sa monitoring ng DENR.
Muli ring umapela ang DENR sa mga travel agents at airline companies na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para matiyak na magiging maayos ang dagsa ng mga turista sa isla.
Aminado ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na halos hindi na nila makontrol ang pagbuhos ng mga turista sa Boracay lalo na ngayong holiday season.
Bukod sa mga environmental police, may ilang volunteers rin ang tumutulong para mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa loob ng Boracay.
Gayunman, patuloy pa rin ang paalala ng pamahalaan sa mga turista na panatilihing malinis ang kapaligiran ng nasabing tourist destination.