Pangungunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pag-aaral sa medical marijuana.
Sinabi ito ng PDEA kasabay ng panawagan na gawing legal sa bansa ang pag-gamit ng marijuana sa medical purposes.
Ayon kay PDEA Director Aaron Aquino, mahalaga ang pag-aaral para ma-impormahan ang publiko sa nasabing usapin.
Sa ngayon, sinabi ni Aquino na wala silang nakikitang pag-aaral dito sa bansa at ang anumang research ay mula sa ibang bansa.
Naniniwala ang opisyal na marami ang “misinformed” kaugnay ng medical marijuana kaya dapat ay magkaroon ng kaukulang pag-aaral ukol dito.
Tinukoy ni Aquino ang ilang mga nahuhuli ng ahensya na ang idinadahilan ay pag-gamit nito sa kanilang sakit.
Base sa ilang mga pag-aaral, ang marijuana ay lunas sa ilang mga sakit gaya ng cancer at psoriasis.
Plano ng PDEA na humingi ng tulong sa University of the Philippines College of Medicine, Department of Science and Technology, Dangerous Drugs Board, Department of Health (DOH) at iba pang ahensya.
Sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at sa DDB resolution, pinapayagan ang medical marijuana partikular ang “cannabinoid” content nito at hindi ang mismong halaman o dahon nito sa ilang mga pagkakataon.