African na gumamit ng pekeng Canadian passport, arestado ng BI sa Cebu
Isang babaeng African ang naharang at inaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa Mactan International Airport sa Cebu dahil sa paggamit ng pekeng Canadian passport.
Kinilala ni BI Port Operations Chief Grifton Medina ang dayuhan na si Safae Hazot Medin Omran, 31 anyos.
Ayon kay Medina, pasakay si Omran ng Eva Airways patungo ng Taipei para bumiyahe ng Vancouver, Canada nang siya ay maharang ng mga myembro ng BI travel control and enforcement unit.
Hindi umano nakapagprisinta ng iba pang katibayan ang dayuhan na siya ay isang Canadian.
Kalaunan, inamin naman ni Omran ang kanyang totoong nationality nang kanyang iprisinta ang kanyang Eritrean passport na nakatago sa kanyang bagahe.
Pag-amin pa umano ng dayuhan, nakuha niya ang Canadian passport sa halagang 18,000 Saudi Riyals (katumbas ng mahigit P250,000) sa Riyadh.
Batid din umano niya na peke ang gamit niyang travel document.
Nananatili na si Omran sa BI detention facility sa Bicutan, Taguig City habang inihahanda ang reklamong ihahain laban sa kanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.