Mabilis na pagtugon sa sunog ngayong Kapaskuhan ipinag-utos sa BFP

Inutusan naman ni DILG Sec. Eduardo Año ang Bureau of Fire Protection na magbantay at mabilis na tumugon sa mga posibleng sunog kasabay ng pagdiriwang ng holiday season.

Ayon kay Año, kapag Pasko at Bagong Taon ay maraming tao ang excited na posibleng magresulta sa mga sunog kaya dapat anyang mas lalong higit na kailangang bantayan ang mga bahay at gusali laban sa sunog.

Sa datos ng BFP, 14 na sunog ang naitala sa buong bansa sa bisperas ng pagpasok ng 2018 o mula December 31, 2017 hanggang January 1, 2018.

Ayon sa otoridad, karamihan sa mga sunog ang dahilan ay pyrotechnics at mga paputok.

Dagdag ng kalihim, dapat na patuloy na turuan ng BFP, Philippine National Police at mga lokal na pamahaalan ang publiko sa fire safety dahil karamihan sa mga nangyaring sunog sa nakaraang pagdiriwang ng kapaskuhan ay mula sa mga residential areas.

Samantala, tiniyak naman ni BFP spokesperson fire Supt. Joanne Vallejo na ginagawa nila ang lahat para maging ligtas sa sunog ang mga bahay at establisyimento sa pamamagitan ng kanilang Oplan Iwas Paputok Program.

Layon anya nito na paigtingin ang kampanya sa fire prevention at pakikipag-ugnayan sa mga fire at emergency response units.

Read more...