Dumating na sa bansa si Chilean President Michelle Bachelet para sa kanyang unang state visit at sa pagdalo sa Asia Pacific Economic Cooperation o APEC Leaders’ Meeting na magaganap simula bukas, November 15.
Sakay ng 767 military aircraft, lumapag ang sinasakyan ni Bachelet sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 kaninang 1:24 pm, lagpas na sa inaasahang oras na 11:50 am ng pagdating nito sa bansa.
Kasalukuyang nasa ikalawang termino na bilang presidente ng Chile si Bachelet.
Itinuturing na history sa Chile ang dalawang beses na pagkapanalo ni Bachelet sa presidential elections simula pa noong 1932 at siya rin ang kauna-unahang babae na naging pangulo ng naturang bansa.
Sinalubong nina Vice President. Jejomar Binay, Department of Social Welfare and Development Sec. Dinky Soliman, Ambassador of the Philippines to Chile Consuelo Puyat Reyes, Department of Foreign Affairs Chief of Protocol Ma. Aileen Bugarin, Philippine Air Force Commanding General Jeffrey Delgado at Manila International Airport Authority General Manager Jose Angel Honrado ang pagdating ni Bachelet.
Ang bansang Chile ay kabilang sa dalawampu’t isang member economies ng APEC.
Inaasahang pormal na magsisimula ang negosasyon sa pagitan ng Chile at Pilipinas sakaling mapirmahan na ang bilateral free-trade sa APEC economic leader’s meeting.