Dagdag singil sa illegal parking sa Enero na ipatutupad ng MMDA

Inquirer file photo

Binawi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nauna nilang pahayag na magpapataw sila ng mas mahal na multa para sa illegal parking.

Nakatakda sanang ipatupad ang nasabing kautusan ngayong araw, December 19.

Sa inilabas na advisory ay sinabi ni MMDA General Manager Jojo Garcia na inaayos pa nila ang gagamiting sistema para sa dagdag na singil.

“All these fines would be enforced on January 7, that’s the second Monday of January, pero hindi porke’t January 7 ‘yung pagtaas ng fine, hindi tayo manghuhuli. Tuloy-tuloy pa rin, pero discounted pa sila ngayon,” paliwanag ni Garcia.

“Anong reasons natin? Inaayos pa namin yung system namin sa collections; number two yung sa ticketing; and of course number 3, sabi nga ni Chairman, Christmas season ngayon,” dagdag pa ng opisyal.

Base sa panukala ng MMDA, gagawing P1,000 ang multa para sa illegal parking mula sa kasalukuyang P200.

Magiging P2,000 naman mula sa kasalukuyang P500 ang bayad para sa mga unattended vehicles.

Itinaas rin ng ahensya ang multa para sa traffic obstruction sa P1,000 mula sa kasalukuyang P500.

Sinabi pa ng MMDA na tuloy ang kanilang kampanya laban sa mga pasaway na motorista na lalong nagpapabagal sa mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Read more...