Aminado ang Malacañang na maaring galing mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang utos kay Budget Sec. Benjamin Diokno na huwag nang dumalo sa hearing ng kongreso sa Naga City sa January 3 ng susunod na taon ukol sa budget insertion sa 2019 national budget.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, iisang opisyal lang naman sa Pilipinas ang maaring magbawal kay Diokno na dumalo sa mga pagdinig at ito ay ang pangulo ng bansa.
Nangangamba aniya ang palasyo na maaring bastusin na naman si Diokno gaya ng ginawa ng mga mambabatas nang ipatawag sa question hour noong nakaraang linggo.
Una Dito, sinabi ni Diokno na hindi na siya dadalo sa susunod na pagdinig ng Kamara sa halip ay magsusumite na lamang ng affidavit.
Bukod sa budget insertion, kinukwestyun din ng mga mambabatas si Diokno kung bakit pinaboran umano ng Department of Budget and Management ang dalawang construction firm na CT Leoncio Construction and Trading at Aremar Construction.
Ang nasabing mga construction company ang nakakuha ng ilang malalaking proyekto partikular na sa Catanduanes kung saan nakinabang umano ang ilang opisyal na in-laws ni Diokno.