Napatay sa war on drugs ng Duterte admin, higit 5K na
Pumalo na sa mahigit limang libo ang napatay sa anti-drug operations ng mga otoridad, mula nang mag-umpisa ang Duterte administration.
Sa #RealNumbersPH press conference ng Philippine National Police o PNP at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, inanunsyo nila na nasa 5,050 na ang drug personalities na namatay sa mga operasyon mula July 1, 2016 hanggang November 30, 2018.
Kabuuang 115,435 ang isinagawang anti-drug operations sa naturang mga petsa, habang nasa 164,265 drug personalities naman ang naaresto ng mga otoridad.
Sa nabanggit na period, mayroong 9,503 drug-cleared barangays, samantalang 22,641 na mga barangay naman ang hindi pa naki-clear.
Nakasaad pa sa datos ng PNP at PDEA na 296 personnel na mula sa law enforcement agencies ang na-dismiss o nasibak sa pwesto dahil sa paggamit sa ilegal na droga.
May 142 na personnel din ang naalis sa serbisyo dahil sa iba pang drug-related offense.
Mula nang mag-umpisa ang war on drugs ng administrasyong Duterte ay umani na ito ng samu’t saring reaksyon sa loob at labas ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.