Philconsa, hiniling sa SC na ideklarang ilegal ang BOL
Hiniling ng Philippine Constitutional Association o Philconsa sa Korte Suprema na ideklarang ilegal at labag sa Konstitusyon ang Bangsamoro Organic Law o BOL.
Sa mahigit 30-pahinang petisyon, ipinapatigil din ng Philconsa sa Supreme Court ang implementasyon ng R.A. 11054 o BOL at ipawalang-bisa ang nasabing batas.
Para sa Philconsa, nakagawa ng grave abuse of discretion ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa pagpasa sa BOL.
Sa naturang batas, mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao ito ay magiging Bangsamoro Autonomous Regions o BAR.
Partikular na nilabag anila ng BOL ang nakasaad sa Section 18 at 19 ng Article 10 ng 1987 Constitution na isang Organic Act lamang ang dapat isabatas para itatag ang autonomous region sa Muslim Mindanao.
Nalabag din anila ang doktrina ng separation of powers sa Saligang Batas sa pagtatag ng parliamentary form ng pamahalaan sa BAR.
Giit ng Philconsa, tanging ang ARMM at ang Cordilleras ang nilikha ng Konstitusyon kaya ito lamang ang autonomous regions na kinikilala ng Saligang Batas.
Kabilang sa respondents sa kaso ay sina Executive Secretary Salvador Medialdea, mga miyembro ng Senado at Kamara na pinamumunuan nina Senate President Vicente Sotto at House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.