2 katao, patay sa buy-bust ops sa Talisay City, Cebu

 

Patay ang dalawang katao sa isang buy-bust operation sa Talisay City, Cebu kaninang alas-kwatro ng madaling araw (December 18).

Kinilala ang mga nasawi na sina Rodel Nacario, taga-Toledo City; at Kevin Baguio, na mula sa Cebu City.

Ayon kay Supt. Marlu Conag, hepe ng Talisay City Police, si Nacario ay kilala sa mga operasyon ng ilegal na droga at kasabwat niya si Baguio. May kaugnayan din umano ang suspek sa yumaong drug lord na si Steve Go.

Bukod dito, si Nacario ay isa ring hitman na inutusang pumatay sa isang pulis-Talisay.

Ang buy-bust operation laban kina Nacario at Baguio ay nangyari sa compound ng isang telcom sa Barangay Bulacao.

Nang matunugan ng dalawa na pulis ang kanilang ka-transaksyon, nauwi ito sa shootout hanggang sa mapatay ang mga drug suspect.

Narekober naman mula sa dalawa ang tatlong maliit na sachets na may lamang hinihinalang shabu, isang kalibre 38 na baril at isa pang baril.

 

Read more...