Eiffel Tower symbol viral sa social media

peace
Larawan mula sa Twitter account ni Jean Jullien

Viral ngayon sa social media ang pinagsamahang simbolo ng Eiffel Tower at peace sign noong 1960s kasunod ng madugo at marahas na terror attack sa Paris, France.

Nakilala ang designer ng naturang simbolong tinatawag na “Peace for Paris” na si Jean Jullien, isang 32 anyos na French graphic artists at nakatira sa London.

Ayon kay Jullien, habang nakikinig siya ng balita sa radyo kaugnay ng madugong insidente sa Paris, ang kanyang unang naging reaksyon ay gumuhit ng isang simbolo at ibahagi ito.

Ito aniya ay kusang loob dahil nais niyang gumawa ng isang bagay na maaaring maging kapaki-pakinabang para sa mga tao.

Paliwanag pa ni Jullien, dahil sa laki ng karahasang bumabalot ngayon sa buong mundo, ang simbolo ng kapayapaan at pag-ibig ay ang mga pangunahing bagay na dapat ibinabahagi.

Matapos i-share ni Jullien sa social media account partikular na sa Twitter ang naturang simbolo na kanyang iginuhit, ikinagulat nito na umabot agad sa mahigit 45,000 shares at 76,000 retweets ilang oras pa lamang ang nakalilipas.

Umabot sa 129 katao ang nasawi at mahigit 300 naman ang sugatan sa Friday the 13th terror attack sa magkakahiwalay na lugar sa Paris.

Matatandaang naging viral din social media ang slogan na “Je Suis Charlie” (I am Charlie) na ginawa ng Stylist lifestyle magazine artist director na si Joachim Roncin matapos ang pag-atake ng jihadist gunmen sa satirical magazine na Charlie Hebdo na ikinasawi ng labing dalawang katao noong January 7.

Read more...