DOLE muling nagpaalala sa mga employer na ‘di pa nagbibigay ng 13th month pay

Pinaalalahanan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III ang mga employer sa pribadong sektor kaugnay ng 13th month pay ng kanilang mga manggagawa.

Ito ay sa pamamagitan ng ipinalabas na labor advisory ni Bello kung saan binigyang-diin niya na ang pagbibigay ng 13th month benefit ay bilang pagkilala sa mga manggagawa na siyang pangunahing pwersa sa productivity, competitiveness at profitability ng kumpanya.

Paliwanag pa ng kalihim, obligado ang mga employer na magbigay ng 13th month pay alinsunod na rin sa Presidential Decree No. 851 at sa Implementing Rules and Regulation nito.

Sa ilalim ng batas, ang 13th month pay ay katumbas ng isang buwang sweldo ng manggagawa kung siya ay nagtrabaho sa kumpanya ng isang buong taon.

Batay naman sa computation ng DOLE, ang halaga ng 13th month pay ay natutukoy kapag hinati sa 12 ang kabuuang halaga ng basic salary na kinita ng manggagawa sa buong taon.

Ang pagkakaloob din umano ng 13th month pay na kinakailangang maibigay bago o pagsapit ng December 24 ay walang pinipiling posisyon o employment status, basta’t ang manggagawa ay nagtrabaho ng hindi bababa sa isang buwan sa loob ng calendar year.

Read more...