Sa isang pahayag kahapon araw ng Linggo, sinabi ni Environment and Natural Resources Sec. Roy Cimatu na inihahanda na nila ang gagawing istratehiya para ibaba ang coliform concentration sa Manila Bay sa ‘safe level’.
Umaabot sa higit 330 million most probable number (MPN) per 100 milliliters ang coliform level sa Manila Bay na lubhang mataas sa safe level na 100 MPN per 100ml.
Ito anya ay upang ma-enjoy ng mga residente na malapit sa katubigan ang marine resources ng dagat nang hindi natatakot na magkasakit.
Nagbabala ang DENR na ipasasara ang mga etablisyimento malapit sa Manila Bay na hindi sumusunod sa environmental laws.
Giit pa ni Cimatu, magpapakita ang gobyerno ng ‘political will’ na kahalintulad ng sa rehabilitasyon ng Boracay.
Nanawagan din ang opisyal sa mga local government units na nakakasakop sa Manila Bay na palawigin ang mga cleanup efforts dahil ang mga mamamayan naman nito ang makikinabang kapag naging matagumpay ang rehabilitasyon.
Ang Manila Bay ay may lawak na abot mula Metro Manila hanggang Central Luzon at CALABARZON.