Away sa lupa, posibleng motibo sa pag-masaker sa isang pamilya sa Cagayan

Posible umanong alitan sa lupa ang motibo sa pagmasaker sa anim na miyembro ng pamilya sa bayan ng Gonzaga sa lalawigan ng Cagayan.

Isa naman sa miyembro ng pamilya ang nakaligtas sa pamamaslang at ito ay ang tatlong taong gulang na lalaki na ngayon ay patuloy na inoobserbahan sa ospital.

Natagpuan ang bangkay ng mga biktima sa loob at labas ng bahay na pawang may tama ng malalalim na sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan matapos walang habas na pagtatagain nang hindi bababa sa limang suspek.

Kinilala ang mga nasawi na sina Dizon Oandasan, 42-anyos; ang misis nitong si Sany, 47-anyos, at kanilang mga anak na sina Wilson 13-anyos; Karen, 12-anyos; Dizon Jr., 5-anyos at kaanak nilang si Juanito Soliva, 55-anyos.

Lumabas sa ulat ng Gonzaga Municipal Police station na nangyari ang masaker sa pamilya Oandasan sa loob ng kanilang bahay sa liblib na lugar ng Sitio San Francisco, Barangay Ipil madaling araw ng Sabado.

Ang pamilya Oandasan ay pinasok ng mga suspek na pawang armado ng mga bolo at magkakasabay silang pinagtataga habang mahimbing na natutulog.

Nabatid naman na ang nakaligtas na bata ay hindi na pinuruhan ng mga suspek matapos na makitang hindi na ito gumagalaw.

Hiwa naman sa batok ang tinamo ng biktima.

May mga “person of interest” na ang mga awtoridad sa krimen.

Read more...