Simbang Gabi 2018, umarangkada na

 

Nagsimula na ang tradisyonal na “Simbang Gabi” ng mga Katoliko.

May mga simbahan na Sabado ng gabi (December 15) nagdaos ng unang “Misa de Gallo” habang ang ilang simbahan ay magsasagawa ng Simbang Gabi sa madaling araw ng Linggo (December 16).

Sa loob ng siyam na araw, idaraos ang Simbang Gabi hanggang sa sumapit ang araw ng Pasko (December 25).

Nauna nang sinabi ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP na ang Simbang Gabi ay hindi lamang tradisyon kundi pagpapakita ng malakas na pananampalataya sa Panginoon.

Panahon din ito para sulitin ang pagkakataong makasama ang pamilya at mahal sa buhay, habang inaalala ang sakripisyo ng Panginoon at paggunita sa kaarawan ni Hesu Kristo.

Samantala, hindi makukumpleto ang Simbang Gabi kung walang nagtitinda ng mga bibingka at puto bumbong.

Samahan pa ito ng mainit na tsaa, na magpapakumpleto sa kainan, matapos ang pagdalo sa Misa de Gallo.

Kaugnay nito, naka-alerto ang Philippine National Police o PNP para sa Simbang Gabi.

Iniutos ni PNP chief Director General Oscar Albayalde ang police visibility sa iba’t ibang mga simbahan.

Ayon kay Albayalde, inatasan na niya ang mga regional director na magsagawa ng pagpapatrolya upang matiyak ang kaligtasan ang mga magsisimba.

Ani Albayalde, ang Simbang Gabi ay isang mahalagang Filipino Tradition kaya marapat na maging handa ang pambansang pulisya sa pagbibigay seguridad at tugunan ang anumang security issue na makaka-apekto sa okasyon.

May mga pagkakataon din kasi aniya na sinasamantala ng ibang mga tao ang Simbang Gabi, upang makagawa ng krimen gaya ng panloloob sa mga bahay o salisi, pagnanakaw, gang wars at iba pa.

 

 

Read more...