Balangiga, Easter Samar – Hindi alintana ng mga residente sa Balangiga sa Eastern Samar ang panadaliang pagbuhos ng malakas na ulan para salubungin ang Balangiga bells.
Si US Embassy Chief of Mission John Law ang nag-turn over ng transfer of certificate of the Balangiga bells kay Balangiga Mayor Randy Graza kung saan naging saksi si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ginawa ang turnover sa Balangiga Municipal Auditorium.
Hindi na dumalo ang pangulo sa high noon mass sa Saint Lawrence the martyr church na na ilang metro lamang ang layo mula sa auditorium.
Sina Bishop Crispin Varquez, ang obispo ng Diocese ng Borongan, Papal Nuncio Gabriel Giordano Caccia at CBCP President at Davao Archbishop Romulo Vallez ang ilan lamang sa mga mangunguna sa misa.
Dahil sa hindi pa ayos ang belfry ng Saint Lawrence Church, ilalagay na muna ang tatlong kampana sa gilid ng simbahan.
Ang tatlong piraso ng Balangiga bells ay kinuha ng mga Amerikanong sundalo sa Balangiga, Eastern Samar bilang war trophies nang maganap ang Philippine-American War noong 1901.
Sa kanyang maiksing talumpati makaraang iabot sa lokal na pamahalaan ang Balangiga ang certificate of Balangiga bells ay muling inulit ng pangulo na walang sinuman ang pwedeng umangkin ng kredito para sa nasabing historical event.
Ang pagbabalik sa bansa ng Balangiga bells ay resulta umano ng panalangin ng bawat Filipino at kagandahang loob ng US.
Bago ang kanyang talumpati ay kinamayan rin ng pangulo ang mga obispo at pari na dumalo sa nasabing event.
Muli niyang pinasalamatan ang mga Amerikano sa pagsasauli ng tatlong kampana sa bansa.