Nicanor Faeldon Jr. negative sa drug test

By Den Macaranas December 15, 2018 - 01:50 PM

Naga City PNP photo

Nag-negatibo sa isinagawang drug test ang anak ni Bureau of Corrections Director Nicanor Faeldon na si Nicanor Jr.

Sa ulat na inilabas ng Naga City PNP, kanilang sinabi na isinalang sa drug test ang nakababatang Faeldon kahapon.

Ito ay makaraan siyang mahuli sa isinagawang anti-drug operation sa bahay ng isang kilalang drug personality sa Naga City noong Biyernes ng madaling araw.

Magugunitang sinalakay ng mga tauhan ng PNP ang bahay ng suspected drug lord na si Russel Lanuzo Bermundo sa Brgy. Mabolo Naga City.

Sa nasabing pagsalakay ay nakakumpiska ang mga otoridad ng pitong sachet ng shabu at isang Cal. 22 na baril.

Bukod kina Bermudo at Faeldon, inaresto rin ang mga tao sa loob ng bahay na sina Allan Valdez at Manuel Nebres.

Napag-alaman rin na kasintahan ng nakababatang Faeldon ang anak ng suspected drug lord.

Sa kanyang pahayag ay sinabi ni Nicanor Jr. na hindi siya gumagamit o nagbebenta ng droga at nagkataon lamang na nandun siya sa bahay ng kanyang girlfriend nang gawin ang raid.

Kahapon ay nagsumite na rin ng kanyang leave of absence ang pinuno ng Bucor para hindi maka-impluwensya sa imbestigasyon sa kaso ng kanyang anak.

Sinabi ni Faeldon na siya mismo ang magbibigay ng parusa sa kanyang anak kapag napatunayang sangkot ito sa illegal drugs.

TAGS: drugs, naga city, negative, Nicanor Faeldon Jr, PNP, shabu, drugs, naga city, negative, Nicanor Faeldon Jr, PNP, shabu

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.