Pangulong Duterte hindi dadalo sa Misa para sa pagbabalik ng Balangiga Bells

Inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya dadaluhan ang Misa na alay para sa pagbabalik ng Balangiga Bells.

Sa kanyang talumpati sa Las Piñas, sinabi ng presidente na dadalo siya sa turnover rites ngunit hindi sa High Mass.

Bukod sa kanyang anunsyo, muli na namang binanatan ni Duterte ang Simbahang Katolika.

Binanggit ulit ng pangulo ang ‘Altar of Secrets’ na naglalaman umano ng mga iskandalo na kinasasangkutan ng mga obispo at pari.

Sinabi ni Duterte na may mga anak ang mga pari na itinatago sa isang orphanage at numero uno anya sa gawaing ito si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani.

Bukod sa ‘Altar of Secrets’ hinikayat din ng presidente ang publiko na basahin ang librong ‘The Popes’.

Hinamon niya rin ang mga pari ng debate sa Luneta at ihanda ang pinakahuhusay nitong public speakers.

Bukod dito, inulit din ng presidente na karamihan o 85 percent sa mga pari ay bakla.

Makailang beses nang umani ng batikos ang presidente sa pang-uusig sa Simbahang Katolika lalo na nang tinawag nitong estupido ang Diyos.

Read more...