Mungkahing paglalagay ng isa sa mga Balangiga Bells sa National Museum, inalmahan ng Diocese of Borongan
Mariing kinondena ng Diocese of Borongan ang mungkahing paglalagay ng isa sa Balangiga Bells sa Pambansang Museo.
Sa isang statement, mariing tinutulan ni Borongan Bishop Crispin Varquez at ng kaparian ang Senate Resolution 965 ni Senator Juan Miguel Zubiri na humihimok sa gobyerno na ilagay sa National Museum ang isa sa mga makasaysayang kampana.
Iginiit ng diyosesis na ang Saint Lawrence Deacon and Martyr Parish Church ang tahanan ng makasaysayang religious artifacts.
Ani Bishop Varquez, kinikilala ng diyosesis ang kahalagahan ng mga kampana sa pambansang interes.
Gayunman, tulad anya ng mga ala-ala ni Jose Rizal mula sa kanilang tahanan sa Calamba, o mga artifacts ng Unang Republika sa Kawit na hindi maaaring ilipat basta-basta sa Maynila ay ganoon din ang Balangiga Bells.
Giit ng obispo, anumang tangkang pag-alis sa Balangiga Bells sa pinaglalagyan nitong simbahan ay pambabastos sa kasaysayan at sa ‘right to property’ ng mga mananampalataya ng Balangiga.
Sa huli, sinabi pa ng diyosesis na ang Balangiga Bells ay sacramentals o mga sagradong gamit na tumutulong sa mga tao sa panalangin at pagsamba.
Instrumento anila ito upang tawagin ang publiko sa Banal na Misa na pinakamataas na uri ng pagsamba ng mga Katoliko kaya’t ang Balangiga Bells anya ay dapat nasa Simbahan, hindi sa isang museo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.