PDEA: Walang patunay na sangkot sa shabu shipment si Lapeña
Nilinaw ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na walang ebidensya na mag-uugnay kay dating Customs Commissioner Isidro Lapeña sa P11 Billion na halaga ng shabu na naipuslit papasok sa bansa.
Ito ay makaraang sampahan ng PDEA ang 49 katao kabilang ang ilang Customs officials kaugnay sa mga shabu na umano’y naipasok sa bansa sa pamamagitan ng ilang magnetic lifters.
Ang nasabing mga magnetic lifters ay magugunitang natagpuan sa lalawigan ng Cavite kamakailan pero wala itong laman na shabu nang salakayin ng mga PDEA agents ang isang bodega sa lugar.
Nauna dito ay sinabi ni Lapeña na negative sa shabu ang nasabing mga magnetic lifters pero kalaunan ay binago niya ang kanyang pahayag at nagsabing baka doon nga inilagay ang iligal na droga na naipasok sa bansa.
“We have not seen any evidence that will link former Commissioner Lapeña sa mga kaso and that is why he was not included in the filing of the case,” ayon sa pahayag ni Aquino.
Gayunman ay nilinaw ni Aquino na ipauubaya na nila sa Office of the Ombudsman at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) kung sasampahan ng kasong administratibo ang dating Customs Chief na ngayon ay nakatalaga na bilang pinuno ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.