Hepe ng Rizal PNP at mga tauhan sinibak sa pwesto
Sinibak sa pwesto ang pinuno ng Rizal Provincial Police Officer (PPO), maging ang Chief of Police ng Cainta at iba pang pulis sa lalawigan.
Ito’y kasunod ng umano’y engkwentro kung saan napatay si Richard Santillan, ang security detail ni Atty. Glenn Chong, dating kongresista at kilalang kritiko ng PCOS machines ng Comelec.
Ang mga sinibak ay sina Police Senior Supt. Lou Evangelista, hepe ng Rizal PNP; Supt. Pablito Naganag, hepe ng Cainta Police; at lahat ng mga pulis na sangkot sa pagkasawi ni Santillan.
Ayon kay PRO-4A Director Chief Supt. Edward Carranza, ang administrative relief sa mga naturang pulis ay ginawa para bigyang-daan ang patas na imbestigasyon.
Papalit kay Evangelista si Senior Supt. Dionisio Bartolome bilang Rizal Police chief habang si Supt. Gauvin Unos, ang hepe na ng Cainta Police.
Nauna nang inakusahan ng Cainta police na si Santillan ay miyembro ng isang sindikato na nag-ooperate sa Cainta at Taytay, Rizal; at sa Pasig City.
Kwento ng mga pulis, pinara nila si Santillan dahil walang validation sticker ang sasakyang minameho nito, pero sa halip na sumuko ay nagpapaputok daw ito kaya gumanti ng putok ang mga otoridad.
Pero ayon kay Chong, kwestyonable ang operasyon ng mga pulis laban kay Santillan, at tinaniman din daw ng shabu ang sasakyan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.