Budget Sec. Diokno hindi sisibakin ni Pang. Duterte

Best and the brightest.

Ganito inilarawan ng Palasyo ng Malakanyang si Budget Secretary Benjamin Diokno sa gitna ng panawagan ng mga kongresista na sibakin na sa puwesto ang kalihim dahil sa umano’y ginawang P75 bilyong budget insertion para sa DPWH sa pambansang pondo para sa susunod na taon.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi iiwan ng palasyo si Diokno.

Giit ni Panelo, inirerespeto ng palasyo ang panawagan ng mga kongresista na idinaan pa sa House Resolution 2365 ang pagpapasibak kay Diokno.

Ayon kay Panelo, hindi mapagbibigyan ng palasyo ang panawagan ng mga kongresista dahil nananatili ang tiwala mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Diokno.

Sa katunayan, itinuturing aniyang “one of the best and the brightest” sa hanay ng mga opisyal ni Pangulong Duterte si Diokno habang hindi aniya matatawaran ang reputasyon nito bilang isang competent public servant.

Panawagan ng Palasyo sa Kongreso, itama na lang ang mga maling nadiskubre nito sa proposed budget at kung gustong kasuhan ay kasuhan na lamang kung sa tingin ay may nagawang iregularidad ang DBM chief.

Dagdag ni Panelo na kung hindi aniya nanghihimasok ang Pangulo sa kung sino sinong mga opisyales sa Kongreso ang dapat na maitalaga sa mga kumite, sana’y tularan na lang din ito ng Kamara.

Read more...