Maswerteng nakaligtas sa pananambang ang isang lider ng indigenous people (IP) sa Barangay San Isidro, Lianga, Surigao del Sur.
Nakilala ang lider ng Manobo tribe na si Datu Jumar Bocales na kilalang hindi sang-ayon sa presensya ng New People’s Army (NPA) sa kanilang lugar.
Tanghali ng Miyerkules nang maganap ang ambush kung saan ang may kagagawan ay hindi pa batid na bilang ng mga armadong kalalakihan na pinaghihinalaang mga miyembro ng komunistang grupo.
Ayon kay Philippine Army 36th Infantry Battalion civil-military officer, Captain Francisco Garello, Jr., tama lamang ng bala sa kanyang kaliwang braso ang tinamo ni Bocales.
Mismong ang biktimang si Bocales pa ang nagtungo sa Lianga Municipal Police Station upang ireport ang pananambang sa kanya.
Nabatid na dating miyembro ng NPA si Bocales ngunit sumuko na pamahalaan. Matapos ito ay naging vocal na si Bocales sa pagtulugsa sa NPA dahil sa ginagawang pagmamalabis ng mga rebelde sa mga IP.
Ayon kay Garello, kapwa na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga pulis at militar tungkol sa pagtatangka sa buhay ni Bocales.
Samantala, ipinag-utos naman na ng Surigao del Sur Police Provincial Office ang mas maigting na pagbabantay at pagpoprotekta sa mga lider ng IP sa kanilang lalawigan.