Itinakda na ng binuong inter-agency body para sa pagprotekta sa El Nido, Palawan ang carrying capacity at mga alituntunin sa mga lagoons ng isla.
Ito ay upang patuloy na mapangalagaan ang biodiversity sa lugar.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, ang carrying capacity para sa mga small lagoons ay limitado na lamang sa 30 turista at 15 kayaks kada oras.
Ang mas malalaking lagoon naman ay papayagan lamang na tumanggap ng 60 turista at 30 kayaks sa kada isa’t kalahating oras.
Bukod sa paglimita sa mga turista, bawal na rin ang paglalangoy sa Buena Suerte Beach.
Nauna nang tinukoy ng DENR ang ‘strict protection zones’ kung saan ipinagbabawal ang human activities maliban sa kung gagamitin para sa research at mga seremonya ng mga katutubo.
Kabilang sa mga protected areas ay ang Balinuad Beach, Helicopter Island, Pacanayan Island at Turtle Island.
Si Sec. Puyat ay bahagi ng inter-agency body kasama sina Environment Sec. Roy Cimatu at Interior and Local Government Sec. Eduardo Año.