Inakusahan ng minorya sa Kamara na nagkaroon ng sabwatan sa pagitan ng ilang opisyal sa Malacañan at Department of Budget and Management (DBM), at mga dating opisyal ng Kamara kaya nakalusot ang bilyong pisong pork barrel fund sa ilalim ng 2019 National Budget.
Ayon kay House Senior Deputy Minority Leader Lito Atienza, mas malala pa sa Disbursement Acceleration Program (DAP) at pork barrel ang pagkakadiskubre sa P75 bilyon na isiningit pambansang pondo para sa susunod na taon.
Malinaw aniya na nagkaroon ng connivance o sabwatan sa pagitan ng DBM, Malacañan, at Kamara.
Paliwanag ni Atienza, base sa proseso, nagmula sa DBM ang panukalang pambansang pondo at idadaan ito sa Malacañan para aprubahan ng pangulo at saka pagtitibayin ng Kamara at ang kasama dito ay ang House Speaker.
Nilinaw naman ng kongresista na tiyak na walang alam ang pangulo sa nasabing isyu, kundi tiyak na nalulusutan ang presidente kaya dapat alamin kung sino ang taong nag-scrutinize nito sa Palasyo.
Kung hindi pa aniya nagpalit ng liderato ang Kamara ay tiyak na hindi pa madidiskubre ang nasabing anomalya.
Para kay Atienza, masakit para sa kanila ngayon na nadudumihan ang bagong liderato ng Kamara na wala namang kinalaman sa naturang anomalya.