Ipinasusumite ni Albay Representative Edcel Lagman sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang listahan ng mga indibidwal na naaresto sa Mindanao sa ilalim ng martial law.
Sa joint session ng Kongreso, hiningi ni Lagman sa AFP ang detalye ukol sa 143 naaresto at kinasuhan na may kinalaman sa batas militar.
Tiniyak ni AFP Chief of Staff General Benjamin Madrigal, Jr. na isusumite nila ang kinakailangang dokumento ngayong araw ng Huwebes.
Inusisa rin ni Lagman ang opisyal hinggil sa kabuuang bilang ng armed fighters na tinutugis sa Mindanao na ngayo’y nasa 2,435 pa.
Maging ang inflation rate at economic gauges ay natanong ng kongresista matapos ihayag ng mga awtoridad na nagkaroon ng substantial gains mula nang ideklara ang martial law sa Mindanao.
Paliwanag ni Lagman, iligal ang hakbang na extension nang isa na namang taon lalo’t si Pangulong Rodrigo Duterte na mismo ang nagdeklarang malaya na ang Marawi City mula sa mga terorista na siyang naging ugat ng implementasyon.
Ang lawlessness at terorismo na inilatag ng gobyerno ay hindi umano maituturing na grounds para magdeklara ng martial law.