BREAKING: Pangulong Duterte hindi dadalo sa turnover ng Balangiga Bells sa Eastern Samar
Hindi personal na maihahatid ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tatlong mga Balangiga Bells sa Eastern Samar.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo ngayong gabi.
Sa isang pahayag, sinabi ni Panelo na hindi makadadalo ang punong ehekutibo sa turnover ceremony ng mga kampana sa Balangiga, Eastern Samar sa December 15 dahil mayroong mga importanteng bagay siyang kailangang asikasuhin bilang pangulo ng bansa.
“Pressing matters of governance that require his [the president’s] utmost and immediate attention prevent him from personally bringing the bells to Balangiga on this date,” paliwanag ng tagapagsalita ng pangulo.
Ani Panelo, katulad ng sambayanang Pilipino, masaya si Pangulong Duterte sa pagbabalik ng mga kampana na mahigit isang siglong nasa pangangalaga ng Estados Unidos matapos nila itong kuhanin bilang war booty noong 1901.
Ayon pa umano sa presidente, mas importante sa ngayon ang pagbalik ng Balangiga Bells sa kanilang orihinal na tahanan kaysa sa kanyang presensya sa ceremonial turnover.
Isa aniyang pagdiriwang ang pagbabalik ng mga kampana para sa mga kamag-anak ng mga nasawi sa Balangiga Massacre at kasama ng mga ito ang buong Pilipinas sa makasaysayang pangyayari.
Sa muling pagtunog ng mga kampana makalipas ang 117 taon, maipararating aniya nito sa buong mundo na walang lugar sa Pilipinas ang anumang panghihimasok sa soberanya ng bansa.
“As the Balangiga Bells resume their ringing after a silence of more than a century, the booming sounds that will come out of them will resonate around the world with the sterling message that foreign domination nor outside intrusion on its sovereignty has no place in this part of the world,” ayon pa kay Panelo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.