Pahayag ito ng palasyo matapos mapili ng Time magazine kay Rappler chief executive officer Maria Ressa bilang isa sa mga “Person of the Year 2018”.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, kahit na kilalang kritiko si Ressa ng kasalukuyang administrasyon, malaya pa rin itong nakapagpapahayag ng kanyang mga opinyon, saloobin at iba pa.
Wala aniya sa bansa ang naparurusahan dahil lamang sa pagbatikos sa pangulo at sa kanyang administrasyon.
Kung nakasuhan man aniya si Ressa sa bansa, ito ay hindi dahil sa pagpapahayag ng kanyang mga opinyon o saloobin kundi lumabag sa batas gaya ng hindi pagbabayad ng tamang buwis.
Hindi aniya maaring makialam ang Malacañang sa pasya ng Time magazine dahil tiyak na mayroon silang mga pamantayan ng paggawad ng naturang parangal sa mga natatanging indibidwal.
Si Ressa ay nahaharap sa kasong tax evasion dahil sa hindi pagbabayad ng tamang buwis ng Rappler.
Pansamantalang nakalalaya si Ressa matapos magpiyansa ng P60,000 sa Pasig Regional Trial Court Branch 265.