60 kilo ng karne ng pawikan nasabat sa restaurant sa Cebu City
Aabot sa 60 kilo ng karne ng endangered na pawikan ang nasabat sa isang kainan sa Cebu Cuty.
May nakita pang tag sa karne ng pawikan kung saan nakasulat na ito ay nailigtas sa Sandakan, Malaysia at pinakawalan sa karagatan.
Sa ikinasang operasyon ng National Bureau of Investigation Central Visayas Regional Office (NBI Cevro), Department of Environment and Natural Resources (DENR-7) at Cebu City Government, nasabat ang mga karne ng pawikan mula sa kainan sa Rallos Street sa Barangay Pasil.
Ayon kay DENR Senior Ecosystem Management Officer Rogelio Demelletes Jr., mula Malayasia ay napadpad ang pawikan sa Cebu at doon ito hinuli at saka ginawang karne para lutuin. Pinaniniwalaan kasing nakapagpapalakas ng sex drive ang karne ng pawikan.
Lima ang inaresto sa nasabing kainan na kinabibilangan nina Donesa Bustamante, cashier; Cresley Obatay, cook; at mga helper na sina Ariesteo Pableo, Julio Abunta at Clifford Obatay.
Ayon kay Demelletes, ang Cebu City, partikular na ang Barangay Pasil ay kilalang lugar na sangkot sa illegal trade ng wildlife meat.
Tinatawag aniyang “power” ang pagkain na niluluto mula sa karne ng pawikan na ibinebenta ng P90 kada serving.
Nagbabala naman ang opisyal na maging ang mga bumibili at kumakain ng pawikan meat ay maari ding mapanagot dahil hindi naman ito maibebenta kung walang tumatangkilik.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.