Sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na ito ang nakikita nilang paraan at ang joint session na magiging daan para mabigyan ng exemption sa election ban on public works ang mga proyektong dapat ikakasa sa unang bahagi ng bagong taon.
Unang nagpahayag ng pagkabahala ang Malakanyang na kapag hindi naipasa sa Senado ang pambansang budget sa susunod na taon ay maapektuhan ang mga programa at proyekto dahil sa election ban.
Nakasaad sa Omnibus Election Code na hindi maaring maglabas ng pondo ang gobyerno para sa mga proyekto at programa 45 araw bago ang isang regular na halalan.
Sinabi na rin ni Zubiri na hindi nila inaasahan na maipapasa pa ang panukalang pambansang budget para sa susunod na taon maliban na lang kung magpapatawag ng special session ang pangulo.
Aniya target nilang maipasa ang proposed 2019 national budget sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa ikatlong linggo ng Enero.