Amihan lalakas pa; temperatura sa Metro Manila bababa sa susunod na 3 araw

Walang nakikitang sama ng panahon ang PAGASA sa susunod na tatlo hanggang limang araw.

Sa 4am weather update ng weather bureau, Hanging Amihan lamang ang weather system na nakakaapekto sa bansa partikular sa Northern Luzon.

Dahil sa Amihan, ang Batanes at Babuyan ay makararanas ng maulap na kalangitan may mahihinang pag-ulan.

Bagaman makararanas ng maalinsangang panahon ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region at nalalabing bahagi ng Cagayan Valley ay may posibilidad pa rin ng mahihinang pag-ulan dahil pa rin sa Amihan.

Sinabi ng PAGASA na lalamig ang panahon hanggang sa Metro Manila sa susunod na tatlong araw dahil sa monsoon surge.

Inaasahang aabot sa 20 degrees ang pinakamababang temperatura sa Metro Manila habang 11 degrees Celsius naman sa Baguio City.

Samantala, ang nalalabing bahagi ng bansa ngayong araw ay makararanas ng maalinsangang panahon maliban na lamang sa mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstoms.

Nakataas ang gale warning sa Batanes, Babuyan Group of Islands at Ilocos Region dahil sa Amihan at ipinagbabawal ang paglalayag ng maliliit na sasakyang pandagat.

Read more...