‘No live voting this year’ — Miss Universe Philippines Catriona Gray
Wala nang live voting para sa coronation night ngayong taon ng Miss Universe.
Ito ang kinumpirma mismo ng pambato ng Pilipinas sa naturang prestihyosong beauty pageant na si Catriona Gray.
Sa kanyang Instagram Live video, ibinahagi ni Catriona na kamakailan lamang ipinaalam sa mga kapwa niya kandidata ang tungkol sa bagong format ng Miss Universe.
Isa na nga dito ang pagtanggal sa live voting na nakatulong noong mga nakaraang taon para mapili ang mga makakasama sa Top 12.
Dagdag pa ni Catriona, bagaman mananatili ang regional selection, imbes na 16 ay 20 na ang unang pipiliin mula sa 94 mga kandidata.
Tig-lima ang kukuhanin mula sa Europa, Asya at Africa, at North at South America. Ang nalalabing lima naman ay para sa mga ‘wild card’ candidates.
Magkakaroon din ng 15 segundong opening statement ang mga makakapasok sa Top 20 bago sila muling babawasan para sa Top 10.
Ang mga ito ang maglalaban-laban sa evening gown at swimsuit competition, bago piliin ang Top 5 na lahat ay sasalang sa question and answer portion.
Matapos ito ay Top 3 na ang kukuhanin at pagpipilian para itanghal bilang 2018 Miss Universe.
Samantala, aminado naman si Catriona na nagkaroon siya ng problema sa inirampa niyang national costume sa pre-pageant show.
Una aniya ay hindi umilaw ang parol sa kanyang likuran habang ang ikalawa naman ay hindi gumulong ang mga gulong ng kanyang parol dahil sa carpet ng stage.
Gaganapin ang coronation night sa December 17 sa Impact Arena sa Bangkok, Thailand.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.