Mga mambabatas bumisita sa Marawi City upang makita ang pagsasaayos sa lungsod

By Justinne Punsalang December 12, 2018 - 02:49 AM

Dumating sa Marawi City noong Lunes ang isang delegasyon ng Mababang Kapulungan upang personal na makita ang rehabilitasyon sa lungsod.

Partikular na nagtungo sa lugar ang mga miyembro ng Subcommittee on Marawi Rehabilitation and Reconstruction sa ilalim ng House Committee on Disaster Management, kabilang sina Bataan first district Representative Geraldine Roman at Antipolo City first district Representative Chiqui Roa-Puno.

Ininspeksyon ng mga mambabatas ang 250 ektaryang most affected area sa lungsod, maging ang 39 ektaryang relocation site sa Barangay Kilala.

Sa naturang lugar itatayo ang nasa 2,000 pabahay.

Ayon kay Roman, nagtungo sila sa Marawi upang iparamdam sa mga residente ng war-torn city na ginagawa ng pamahalaan ang kanilang trabaho at ginagampanan ang pangako sa mga naapektuhan ng kaguluhan.

Layunin din aniya nila na tiyaking ginagawa ng Task Force Bangon Marawi ang kanilang partisipasyon sa pagsasaayos ng lungsod.

Bukod sa pisikal na rehabilitasyon ng Marawi, nagsasagawa rin ang pamahalaan ng psychological interventions sa mga residente.

Partikular na binisita ng delegasyon ang Bahay ng Pagbabago na isang transitory site kung saan pansamantalang naninirahan ang daang mga pamilya.

Ayon kay Puno, gusto rin nilang personal na tanungin ang mga residente tungkol sa kanilang kalagayan. Kanila rin aniyang titiyakin na hindi mapapabayaan ang mga ito.

Ngayon araw naman nakatakdang makipagkita ang mga mambabatas sa mga lokal na opisyal ng Marawi bago gumawa ng summary ng kanilang pagibisita.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.