LOOK: Pagbabalik ng Balangiga bells sa bansa, bunga ng political will ni Duterte – Palasyo
Nanindigan ang Palasyo ng Malakanyang na kaya naiuwi sa bansa ang Balangiga bells mula sa Amerika dahil sa political will at pagpupursige ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, marami na ang nagtangkang bawiin ang mga kampana mula sa Amerika subalit lahat sila ay nabigo.
Kasabay nito, nagpapasalamat aniya ang Pilipinas sa pamahalaan ng Amerika at sa lahat ng stakeholder na gumawa ng mga hakbang para maibalik sa bansa ang mga kampana.
Naniniwala si Panelo na ang pagbabalik ng mga kampana ay paghihilom na rin ng sugat bunga ng naganap na giyera sa pagitan ng Pilipinas at Amerika noong 1901.
Lalo pa aniyang tatatag ngayon ang relasyon ng dalawang bansa na matagal nang magkaalyado.
Sinabi ni Panelo na sanay magsilbing pagalala ng kabayanihan, kagitingan at pagiging makabayan ng ng mga Filipino ang tatlong kampana.
Dagdag ni Panelo, ang sigalot sa pagitan ng Pilipinas at Amerika noon ay paalala sa madilim na bahagi ng kasaysayan na dapat na ipaalam sa buong mundo na hindi magpapaalipin ang mga Filipino sa alinmang bansa at ipaglalaban ang kalayaan laban sa mga magtatangkang kunin ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.