Distrito ni ex-Speaker Alvarez, may pinakamalaking pondo sa 2019 budget
Iginiit ng liderato ng Kamara na walang kinalaman ang kasalukuyang leadership sa paglalagay ng malalaking pondo sa distrito ng mga kongresista.
Sa liham na ipadadala ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr. kay Pangulong Rodrigo Duterte, nakasaad na ang nakakuha ng may pinakamalaking budget na kinatawan ay si dating House Speaker Pantaleon Alvarez na mula sa Davao del Norte na mayroong P5 bilyong pondo.
Ikalawa ang Davao City na distrito ni dating House Appropriations Committee Chair at ngayon ay Cabinet Secretary Karlo Nograles na mayroong P4 bilyon.
Pangatlo naman si dating House Majority Leader Rodolfo Fariñas ng Ilocos Norte na mayroong P3.5 bilyong budget.
Ang liham ay bilang tugon na rin sa naging hamon ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa Kamara na ipaliwanag ang lumabas na report na si Arroyo at si Andaya ang siyang may pinakamalaking budget sa 2019 batay na rin sa naging alegasyon ni Sen. Panfilo Lacson.
Sa katunayan, si Arroyo aniya ay nasa ika-60 na pwesto sa may malaking DPWH projects habang sya ay nasa ika-110 sa mga mambabatas na may pinakamalaking DPWH projects.
Itinuro naman nina dating House Speaker Pantaleon Alvarez at dating Majority Leader Rodolfo Fariñas sa ehekutibo ang sisi hinggil sa iba’t ibang kontrobersiya sa panukalang pambansang pondo.
Iginiit ni Alvarez na walang kinalaman ang Kongreso sa preparasyon sa National Expenditure Program sapagkat ito ay trabaho ng ehekutibo.
Pero iginiit naman ni Fariñas na hindi na siya Majority Leader nang maisumite sa Kongreso ang NEP kaya naman malabo raw na may isiningit siyang dagdag na pondo sa kanyang distrito sa Ilocos Norte.
Subalit sa kabila nito, sinabi ni Fariñas na posibleng accurate ang halaga na sinabi ni Andaya na mapupunta sa kanyang distrito dahil sa nasa kanyang lugar ang pinakamahabang national highway sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.