Kinumpirma ng city police office sa Kidapawan City ang pagkasawi ng isang wildlife biologist habang ito ay nagsasagawang research sa Mt. Apo noong Sabado, Dec. 7.
Ayon kay Supt. Ramel Hojilla, Kidapawan City police chief, nasawi ang 27 anyos na si James de Villa Alvarez na nagtapos sa University of the Philippines (UP) Los Baños at residente ng Itaas Lemery, Batangas.
Sinabi ni Hojilla na nagsasagawa ng research ang grupo ni Alvarez sa Mt. Apo nang ito ay makaranas ng pagkahilo, pagsusuka at tuluyan nang nanghina.
Reptiles at amphibians na naninirahan sa Mt. Apo ang target ng research bng grupo ni Alvarez.
Si Alvarez ay nagtapos ng Bachelor of Science in Biology at Dec. 5 nang sila ay umakyat sa Mt. Apo.
Sinabi ni Hojilla na hindi alam ng city police ang research ng grupo ni Alvarez at naimpormahan lang sila nang tumawag ang kasama ni Alvarez para humingi ng tulong.
Sa ulat naman ng Philippine Red Cross, rumesponde ang kanilang rescue teams sa Mt. Apo alas 8:00 ng umaga noong Dec. 8.
Ito ay matapos iparating sa kanila na may pasyenteng nakaranas ng pagsusuka at panghihina sa tuktok ng Mt. Apo.
Ayon sa red cross, nang dumating ang kanilang team sa Ko-ong base camp ay wala nang buhay ang biktima.