Binawi ng isang Pasay City Prosecutor ang hiling na huwag payagan ng korte si Sen. Antonio Trillanes IV na lumabas ng bansa sa gitna ng reklamong inciting to sedition laban dito.
Pinagbigyan ni Pasay City Judge Rowena Nieves Tan ang mosyon ni Asst. City Prosecutor Reynaldo Ticyado na i-withdraw ang una nitong aplikasyon para sa paglalabas ng precautionary hold departure order (PHDO) laban kay Trillanes.
Sinabi ni Prosecutor Ticyado na wala siyang witness na tetestigo sa kanyang hiling na PHDO.
Ang Prosecutor ang nagsasagawa ng preliminary investigation sa kasong inciting to sedition dahil sa mga pahayag ng Senador laban kay Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng pagpapawalang bisa sa amnestiya nito.
Ang hiling ni Ticyado ay isa sa mga mosyon na inihain ng Department of Justice (DOJ) sa iba’t ibang korte na may hurisdiksyon sa mga kaso o reklamo laban sa mambabatas.
May isa pang mosyon sa hold departure order (HDO) na nakabinbin sa korte sa Davao City kaugnay ng kasong libel.
Nais ng gobyerno na mapigilan si Trillanes na bumiyahe sa ibang bansa.
Nakatakdang umalis ang senador sa Martes at babalik ito sa January 12, 2019 pero pupunta naman sa Amerika mula January 27 hanggang February 10, 2019.