Miyembro ng gun-for-hire group patay sa shootout sa Laguna

By Justinne Punsalang December 11, 2018 - 12:46 AM

Dead on the spot ang isang miyembro ng gun-for-hire syndicate matapos makipagbarilan sa mga otoridad sa Barangay San Crispin, San Pablo City, Laguna.

Kinilala ang nasawing suspek na si Marjollan Carandang alyas Owee na residente lamang sa lugar.

Ayon kay Laguna Provincial Police chief, Senior Superintendent Eleazar Matta, nakatakas ang kasamahan ni Carandang na nakilalang si Erickson Diangkinay alyas Boyong.

Ani Matta, sina alyas Owee at Boyong ay pawang mga miyembro ng Paz Group na isang gun-for-hire group at sangkot din sa kalakaran ng iligal na droga.

Hapon ng Lunes nang magsagawa ng buy bust operation ang mga otoridad laban sa mga suspek.

Ngunit nakatunog si alyas Owee na pulis pala ang kanyang katransaksyon, dahilan upang kuhanin nito ang kanyang dalang kalibre .38 revolver at paputukan ang mga otoridad.

Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa kamatayan ng suspek.

Patuloy na tinutugis ng mga otoridad si alyas Boyong habang nagpapatuloy rin ang pagsisiyasat sa kanilang mga kasamahan sa sindikato.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.