Unanimous ang naging pasya ng Mababang Kapulungan sa panukalang pagpapalawig ng batas na magpoproteka sa mga kababaihan at kabataan.
Sa botong 207-0, nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Bill No. 8655 o ang Expanded Anti-Violence Against Women and Children (E-VAWC).
Aamyendahan ng naturang panukala ang Republic Act No. 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004.
Sa ilalim ng E-VAWC, madadagdag sa depinisyon ng psychological violence ang mga physical, verbal, emotional, electronic o information communication technology (ICT)-related acts.
Nilinaw din sa panukala ang depinisyon ng ICT-related violence bilang anumang gawain o omission na gumagamit o nananamantala sa impormasyon o iba pang uri ng ICT na maaaring magdulot ng mental, emotional, o psychological distress sa mga kababaihan at kanilang mga anak.
Papatawan din ng prision mayor at multang P300,000 hanggang P500,000 ang mapapatunayang gagawa o mananakot na gumawa ng electronic violence sa mga kababaihan at kanilang mga anak.