Lalaki patay sa pamamaril sa Quezon City

Dead on the spot ang isang lalaki matapos itong walang habas na pagbabarilin sa Barangay Novaliches Proper, Quezon City.

Hiniling ng mga otoridad na huwag munang pangalanan ang biktima habang hindi pa nipapaalam sa kanyang mga kaanak ang insidente.

Nabatid na residente sa Caloocan City ang 44 na taong gulang na biktima.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, pasado alas-12 ng hatinggabi ng marinig ng isang babae ang magkakasunod na putok ng baril.

Paglingon nito ay nakita niya ang ilang mga tao na tumatakbo sa magkakaibang direksyon at doon napansin ang isang duguang lalaking nakahandusay sa kalsada.

Tama ng bala sa ulo ang kumitil sa buhay ng biktima, ngunit ayon sa mga otoridad, wala silang narekober na basyo ng bala. Hinala ng mga pulis, posibleng kinuha ng mga salarin ang mga basyo.

Patuloy ang pagsisiyasat ng mga pulis tungkol sa krimen, partikular ang pagkakakilanlan ng mga gunman at kanilang motibo.

Read more...