Labindalawang oras hindi nagamit o na-access ng publiko ang ilang mga online news websites sa bansang Bangladesh.
Ayon sa Bangladesh Telecommunication Regulatory Commission (BTRC), ang naturang shutdown ng mga online news sites ay dahil umano sa security concerns, bagaman hindi na ipinaliwanag kung ano partikular ang mga ito.
Ayon kay BTRC spokesperson Zakir Hossain Khan inatasan nila ang International Internet Gateway (IIG) operators na i-block ang nasa 58 mga news websites.
Napag-alaman naman na ang naturang mga news sites ay hindi rehistrado sa information ministry kaya kinailangang tingnan ang mga nilalaman ng mga ito.
Ang naturang hakbang ay kasunod ng mga kritisismong natatanggap ng pamahalaan ni Prime Minister Sheikh Hasina matapos magpasa ng mga batas na kumikitil umano sa press freedom ng mga mamamahayag sa bansa.