Anomalya sa ilalim ng 2018 budget, isiniwalat sa Kamara

By Erwin Aguilon December 10, 2018 - 06:45 PM

May nakitang anomalya ang liderato ng Kamara sa latag ng 2018 national budget.

Sa privilege speech, sinabi ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr. na ito ang resulta ng ginawang madaliang pagpasa ng Kongreso sa 2018 budget.

Ayon kay Andaya, may ilang distrito sa bansa na nakatanggap ng malaking alokasyon para sa kanilang infrastructure projects kahit pa hindi naman kailangan ng mga ito ang nasabing mga proyekto.

Inihalimbawa rito ng kongresista ang flood control projects sa 2nd District ng Sorsogon at sa Catanduanes.

Sa 2nd District lamang aniya ng Sorsogon ay halos P2 bilyon ang alokasyon para sa flood control project kahit hindi naman daw ito hiningi ng kanilang kinatawan.

Ang Catanduanes naman aniya ay may nakalaan na kalahating bilyon para sa flood control projects kahit wala naman aniyang kamuwang-muwang dito si Rep. Cesar Sarmiento.

Iginiit ni Andaya na ang lahat ng ito ay pinasa dahil hindi na raw ito maaring galawin dahil ito ang siyang naging proposal ng ehekutibo.

Maliban dito, isiniwalat din ni Andaya ang isang contractor na nakakuha ng nasa humigit kumulang 30 infrastructure projects bago pa man sumalang ang deliberasyon ang pambansang pondo.

TAGS: 2018 national budget, Cong. Rolando Andaya Jr., Kamara, 2018 national budget, Cong. Rolando Andaya Jr., Kamara

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.