Sa pagsalang ng third telco player na Mislatel Consortium sa pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises, sinabi ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba na sakaling maaprubahan ang prangkisa nito ay asahan na ng internet users ang magandang serbisyo sa susunod na anim na buwan.
Sa katunayan, ang pangako aniya ng telco pagkatapos maset-up ang fiber optic, cell sites at iba pang pasilidad ay magkakaroon ng average internet speed na 27 mbps.
Kapag hindi ito natupad makalipas ang isang taon ay agad na kikilos ang NTC para bawiin ang frequencies at lisensya ng Mislatel at ipapakansela ang prangkisa nito.
Bagama’t maganda umano ang commitment ng major player, ayaw namang ipamadali ni House Deputy Speaker Prospero Pichay ang approval ng prangkisa hangga’t hindi naaayos ang gusot sa pagitan ng Mislatel at subsidiary ng TierOne Communications International na Digiphil.
Nagsampa kasi ng kaso sa korte ang Digiphil laban sa Mislatel kaugnay sa paglipat ng ownership nito matapos umanong lumabag sa binding agreement at mag-isang pinutol ang kontratang pinasok.
Ngunit iginiit ni Senior Deputy Minority Leader Lito Atienza na hindi dapat talakayin sa pagdinig ang legal o corporate issues dahil sa matinding pangangailangan sa pagkakaroon ng third telco.