Ikaanim na Milo marathon medal naitala ni Mary Joy Tabal

Roel Amabao-Ano

Tinaguriang “Milo Queen” si Mary Joy Tabal matapos niyang maiuwi ang kanyang ikaanim na medalya para sa Milo marathon.

Muling nakuha ni Tabal ang gold medal matapos manguna sa women’s category ng 42nd National Milo Marathon Finals na ginawa kahapon sa Laoag City, Ilocos Norte.

Makasaysayan ang naturang pagkapanalo ni Tabal dahil siya ang kauna-unahang babaeng marathoner na nakapag-uwi ng gintong medalya sa anim na magkakasunod na beses.

Natapos niya ang 42 kilometer race sa loob ng dalawang oras, 56 na minuto, at 31 segundo.

Bukod sa medalya, inuwi rin ni Tabal ang P150,000 cash prize at isa siya sa mga kakatawan sa Pilipinas para sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.

Para naman sa men’s division, si Rafael Poliquit ang nanalo sa pamamagitan ng kanyang personal best na 2 oras, 28 minuto, at 47 segundo.

Si Tabal ang naging kinatawan ng Pilipinas para sa 2016 Rio Olympics, habang inuwi naman niya ang unang gintong medalya para sa bansa sa 2017 SEA Games.

Read more...