Nang-ararong truck sa Sta. Rosa, Laguna, luma at hindi na rehistrado – DOTr

Courtesy of Shelly Ann Isaga

Lumalabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na luma na at hindi na rehistrado ang truck na umararo sa mga sasakyan at establisyimento sa Sta. Rosa, Laguna na ikinasawi ng anim katao.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), 2000-model ang truck na inirehistro bilang isang pampribadong sasakyan noong 2016.

Samakatuwid, hindi ito isang common carrier o truck for hire at hindi na nai-renew pa sa Land Transportation Office (LTO) ang rehistro nito mula 2017.

Iginiit ng DOTr na ang kahalintulad na aksidente na ito sa kalsada ay dahilan kung bakit isinusulong ng gobyerno ang truck modernization.

Ayon pa sa kagawaran, ang layuning gawing moderno ang mga truck ay para sa kaligtasan ng publiko at para mabawasan na rin ang polusyon na dulot ng mga sasakyang ito.

Ipinarating naman ng DOTr ang pakikiramay sa pamilya ng mga biktima ng malagim na aksidente.

Samantala, tiniyak naman ng ahensya na nakatutok ang LTO sa imbestigasyon sa aksidente para mabigyan ng hustisya ang mga biktima.

Read more...