Mga mambabatas na malapit kay GMA makakatanggap ng mas malaking budget insertions — Lacson

By Justinne Punsalang December 10, 2018 - 01:41 AM

Nakakita ng pattern si Senador Ping Lacson sa mga mambabatas na nakatanggap ng mas malaking budget insertions sa ilalim ng panukalang budget para sa 2019.

Sa isang panayam, sinabi ng senador na ang mga distritong may mambabatas na malapit kay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang silang nakatanggap ng mas malaking dagdag na budget.

Ngunit ayon kay Lacson, bagaman tiyak na kung sino ang mga mambabatas na nakatanggap ng mas malaking budget insertions ay hindi naman siya sigurado kung sino ang mismong naglagay ng mga ito.

Kabilang sa mga lumabas na pangalan si House Majority Leader Rolando Andaya Jr. na kinatawan ng first district ng Camarines Sur na nakatanggap umano ng dagdag P1.9 bilyong pondo.

Mayroon din aniyang mga insertions para sa mga proyektong isasagawa sa Floridablanca, Lubao, Porac, at Guagua, Pampanga na pasok sa hinahawakang distrito ni GMA.

Depensa naman ni Lacson, hindi lamang mga insertions mula sa Mababang Kapulungan ang kinukwestyon niya ngunit maging ang mga insertions ng mga senador sa mga nagdaang taon.

Samantala, sinabi ng senador na hindi nila matatapos ang panukalang 2019 national budget bago magsara ang taon.

Aniya, kahit na magkaroon ng special sessions ay hindi pa rin ito sasapat para mapaaprubahan ang pinal na bersyon sa pangulo.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.