Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, habambuhay nang utang ng Amerika sa Pilipinas at bahala na sila kung sa paanong pamamaraan babayaran ang mga kinitil na buhay ng mga Filipino.
Malaking bagay aniya at historic sa Pilipinas na isinauli ng Amerika ang Balangiga Bells dahil simbolo ito ng buhay ng mga Filipino.
Kasabay nito, nagpapasalamat aniya ang Palasyo sa gobyerno ng Amerika dahil sa pagsasauli sa Balangiga Bells.
Gayunman, dapat din aniya itong magsilbing alala sa Amerika na sila ang unang lumabag sa karapatang pantao at dapat na magsilbing aral sa kanila.
Matatandaang kinuha ng mga sundalong Amerikano ang Balangiga Bells sa Balangiga Eastern Samar bilang war trophies matapos patayin ang mga residente noong 1901 sa Philippine-American war.